Ngayon lang ng mapag-alamang pagkalunod sanhi ng pagkamatay ng 16-anyos na ipinaanod sa irigasyon sa Banga
Pagkalunod ang dahilan ng pagkamatay ng 16-anyos na estudyante na si Barbie Bernardino Inocencio sa bayan ng Banga, South Cotabato.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal, inihayag ni Colonel Jemuel Siason, provincial police director ng South Cotabato na batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Crime Laboratory, pagkalunod ang rason ng pagkamatay ni Barbie.
Maaaring buhay pa nang pinaanod sa irigasyon ang estudyante subalit hindi na niya magawang mailigtas ang sarili makaraang nakagapos ito at nakasilid sa sako.
Kinunan na raw ng vaginal swab sample si Barbie upang alamin kung nagahasa ito habang kinuhanan na rin ng specimen ang suspek na si Richard Gumilid.
Si Gumilid ang karelasyon diumano ng ina ng estudyante na napatay sa isinagawang operasyon sa bahay nito sa Purok Bagong Sikat, D'Lotilla Street, Barangay Kalawag 1, Isulan, Sultan Kudarat.
Sa panayam kay Police Lt/Colonel Modesto Carrera, chief of police ng Isulan PNP na hindi na aniya makontrol at may hawak na granada si Gumilid na tinangka nitong alisan ng safety lever dahilan upang siya ang mabaril ng kapulisan na nagresulta sa kamatayan nito.
Ipinasiguro naman ni Siason na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng estudyante.